-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy na inaapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) Diffun ang forest fire sa kabundukang bahagi ng Purok 7, Andres Bonifacio, Diffun, Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 2 Richard Dulnuan, imbestigador ng BFP Diffun, sinabi niya na nagsimula ang sunog noong Marso 31 ng umaha at hanggang ngayon ay may nakikita pa ring mga baga.

Natatagalan aniya silang apulahin ang sunog dahil dalawang fire truck lang ang kanilang gamit at hindi rin nito abot ang mismong lugar na nasusunog.

Sa ngayon ay mano-mano na lamang ang kanilang ginagawa para ito ay maapula at hindi na kumalat pa sa ibang bahagi ng kabundukan.

Gumagawa na sila ng mga fire lanes o di kaya ay naglilinis sila ng tatlo hanggang limang metro para hindi na kumalat pa ang apoy.

Hindi naman aniya sila nagkukulang sa tauhan subalit ang problema nila ay mga kagamitan dahil tanging sprayer lamang ang kanilang ginagamit.

Ayon kay Dulnuan, posibleng ang mainit na panahon ang siyang sanhi ng sunog.

Sa ngayon ay nakokontrol na nila ang sunog subalit binabantayan nila ang mga kabahayan na malapit sa lugar dahil baka maabot ito ng apoy.