-- Advertisements --

Nagdeploy ng mga tauhan ang Philippine Air Force sa probinsya ng Benguet matapos na sumiklab ang dalawang forest fire sa Itogon at Barangay Adonot, Bokod.

Agad itong nirespondehan ng 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force gamit ang kanilang Super Huey Helicopter.

Dito ay nagsagawa ng naturang mga rescuers ng heli bucket operation gamit ang tubig na nakolekta nito mula sa Sto. Tomas Water Reservoir at Banao River.

Kaugnay nito ay patuloy naman ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Tactical Operations Group 1 ng Tactical Operations Wing Northern Luzon ng Philippine Air Force sa Civil Defense Cordillera, Bureau of Fire Protection, at iba pang local government agencies upang mapag-usapan ang iba’t-ibang mga istratehiya na maaaring gawin upang tuluyan nang maapula ang apoy.

Samantala, sa ngayon ay wala namang naitalang casualties ang mga otoridad, habang patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection upang alamin ang sanhi ng naturang sunog.