Nanindigan si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na hindi duplication ang operasyon ng forensic laboratory ng ahensya, tulad ng sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), na kapwa otorisado na magsagawa ng forenbsic examinations.
Ginawa ni Acosta ang pahayag matapos ilahad ng Senado ang probisyon nito para sa bersyon ng panukalang 2021 General Appropriations Act na magpapatigil sa operasyon ng forensic laboratory division ng PAO.
Ayon kay Acosta, hindi maituturing na duplication ang forensic laboratory nito dahil mismong ito ang tumutulong sa pag-buildup ng kaso lalo na sa mga nirereklamo.
Aniya 90 percent ng mga kaso na kanilang hinahawakan, ang PNP at NBI ay nasa panig ng prosecution.
Kapag sumisigaw umano ang mga akusado na wala silang kasalanan, 40 percent ng kanilang clients ay na-a-acquit o napapalabas dahil sa kanilang forensic laboratory.
Si Senate Minority Leader Franklin Drilon ang nagpakilala sa naturang probisyon.
Dapat daw kasi ay gamitin ng PAO ang kanilang pondo para mag-hire ng mas maraming abogado para tulungan ang mga indigent na Pilipino at hindi para sa operasyon ng forensic laboratory division.
Pero para kay Acosta, iligal ang probisyon ng budge bill na ito dahil paglabag ito sa due pocess laws upang tanggalin ang mga regular na empleyado ng gobyerno.