CAUAYAN CITY – Inireklamo sa pulis ng isang construction worker ang kanilang foreman sa ginagawang Cauayan City Sports complex dahil sa panununtok sa kanya dahil hindi ibinalik ang sobrang nasahod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jay-r Ramos, sinabi niya na hindi nila napansin ang natanggap na sobrang sahod na pinababalik ng kanilang foreman.

-- Advertisement --

Nagbanta umano sa kanila ang foreman na sila ay papatayin kapag hindi naibalik ang sobra nilang nasahod.

Hindi aniya tinanggap ng foreman ang ibinalik niya at ilang kasama dahil hindi buo.

Nabatid na unang nagpaluwal ang foreman para makasahod ang mga manggagawa sa sports complex ngunit hindi ibinalik ang kanilang natanggap na sahod nang sila ay pasahurin na.

Ito umano ang ikinagalit ng foreman kaya sinuntok ang laborer.

Nagpa-blotter si Ramos at ginamit pa umano ang sobrang nasahod sa kanyang pagsailalim sa medical check up.