KALIBO, Aklan —- Umaabot sa 16,730 na dayuhang turista ang bumisita sa Isla ng Boracay noong buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan.
Ayon sa Malay Municipal Tourism Office, ito ay nangangahulugan ng halos 246 percent na pagtaas ng mga foreign tourists sa isla kumpara noong buwan ng Hunyo na umabot lamang sa 6,873.
Nakapagtala rin ng 6,107 na overseas Filipinos o Pinoy na naninirahan at nagtatabaho sa ibang bansa noong Hulyo, mas mataas kumpara sa 4,269 noong Hunyo.
Sa kabilang daku, kahit nangunguna pa rin sa tourist arrivals, bumaba ang bilang ng domestic tourists sa 160,259 noong Hulyo kumpara sa naitalang 182,508 noong Hunyo.
May kabuuang 183,096 na turista noong Hulyo o may average na 5,906 na turista bawat araw, kun saan pasok pa rin sa itinakdang carrying capacity ng Department of Environment and Natural Resources na 6,405 kada araw.
Maliban sa niluwagang COVID-19 restrictions sa buong bansa, isa sa mga tinitingnang dahilan ng pagtaas ng foreign tourist arrivals ay ang pagkakaroon ng international flights ng Philippine Airlines at mga airline companies mula South Korea sa Kalibo International Airport at Incheon International Airport.
Sa kasalukuyan ay lampas na sa 1-milyon mark ang tourist arrivals o kabuuuang 1,032,143 sa Boracay simula Enero hanggang sa kasalukuyan.