-- Advertisements --

Nagbabala si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu na walang foreign contractors ang papayagan sa dredging na gagawin sa Cagayan River kahit pa mag-alok pa ang mga ito ng libreng serbisyo.

Ayon sa kalihim, kailangang puro Pilipino lamang na may construction company ang magiiging bahagi ng restoration projects sa Pilipinas.

Hindi lamang ito gagawin sa Cagayan River ngunit pati na rin sa lahat ng ilog na kakailanganing i-restore. Papayagan umano ng ahensya ang mga Filipino contractors na magsagawa libreng dredging.

Kailangan lang aniyang siguruhin na magagawa ng mga contactor ng maayos ang kanilang trabaho.

Lalagda umano ang mga gobernador ng Cagayan Valley sa naturang kasundaan kasama ang mga contractors dahil kasama sa proyekto ang ilang probinsya sa paligid ng Cagayan River.

Dagdag pa ni Cimatu, kailangan siguruhin ng mga contractors na mayroon silang clearances at magbabayad ang mga ito ng 4 porsiyento ng sobrang tax sa gobyerno.

Paliwanag pa nito, kailangan ng dredging sa Cagayan River para hindi na mangyari uli ang malawakang pagbaha sa probinsya ng Cagayan at Isabela dulot ng mga nagdaang bagyo noong nakaraang buwan.

Bukod pa sa dredging, mahigpit din umanong magpapatupad ng 20-meter easement rule sa naturang ilog.

Ibig sabihin ay walang papayagan na kahit anong istruktura sa tabi ng Cagayan River na aabot ng 20 metro sa magkabilang-gilid.

Siniguro naman ng DENR na sisiyasatin din nito ang di-umano’y nagaganap na illegal logging sa Sierra Madre, Cordillera at Caraballo mountain.