Hinimok ni AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin ang publiko na iwasan ang pag-aaksaya ng pagkain.

Ginawa ito ni Garin kasabay ng panawagan na ipasa na ang panukalang batas na naglalayong bawasan ang mga tira-tirang pagkain sa pamamagitan ng donasyon at pag-recycle sa mga ito.

Ito ay matapos na sabihin ng United Nations Food and Agriculture organization sa kanilang 2019 State of Food and Agriculture Report ang kahalagahan ng food waste reduction.

Sinabi ni Garin na batay sa naturang report sinasabing lalago ang ekonomiya ng bansa at bubuti rin ang agricultural production kapag kaunti ang mga nasasayang pagkain ng publiko.

Para magawa ito, iginiit ng kongresista na kailangan magkaroon ng public-private partnership investments, at gumawa ang Kongreso ng environment para sa pribadong sektor na hihimok sa kanila na mag-invest sa epektibong implementasyon ng food waste management.

Sa ilalim ng House Bill 3370, o ang proposed Food Waste Reduction Act, ang lahat ng mga edible food surplus ay dapat na i-donate sa charitable purposes.

Inoobliga rin ng panukalang batas na ito ang mga may-ari ng mga establisiyemento tulad ng mga restaurants, cafes, fast food chains, o hotels at supermarket na magkaroon ng 500 square meters na selling space, gayundin ng culinary schools na maghihiwalay ng kanilang edible at inedible food surplus.