Sinuspinde na ng Philippine Red Cross ang ginagawa nitong food distribution program sa probinsya ng Agusan del Sur.
Kasunod ito ng insidente ng food poisoning sa mahigit 200 residente ng Esperanza, Agusan del Sur matapos na makaramdam ng pananakit ng tiyan, at pagsusuka nang kainin ng mga ito ang umano’y mga pagkaing ibinigay ng PRC.
Ayon kay PRC secretary general Dr. Gwendolyn Pang, agad nilang ipinatigil ang kanilang programang pamamahagi ng pagkain sa lugar matapos ang nangyaring insidente.
Samantala, sa isang statement ay sinabi naman ng PRC na hihintayin nila ang magiging resulta ng nagpapatuloy na imbestigasyon dito bago sila muling magdesisyon sa pagpapatuloy ng kanilang pamamahagi ng pagkain.
Kasabay nito ay tiniyak din ng ahensya na susuportahan nito ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamagitan ng pagiging transparent at mahigpit din na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.
Kung maaalala, batay sa pinakahuling datos ay umakyat na sa 216 ang bilang ng mga residenteng isinugod sa pagamutan matapos na makaramdam ng mga sintomas ng food poisoning matapos kainin ang naturang mga pagkain ipinamahagi sa lugar.