-- Advertisements --

Iginiit ni Sen Panfilo Lacson na hindi mapipigilan ang paglabas ng findings ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y flood control scandal dahil hindi ito makakalimutan ng publiko.

Ayon sa kanya, maghahain siya ng privilege speech para ilahad ang Chairman’s Progress Report matapos mabigong makakuha ng sapat na pirma ang partial report para umabot sa plenaryo.

Inihalintulad ni Lacson ang isyu sa kaso ni Janet Lim-Napoles, ngunit aniya’y “mas malala” ang kasalukuyang kontrobersiya dahil may epekto ito sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.

Nilinaw din niyang hindi dapat hinaharang ang committee report sa pamamagitan ng hindi pagpirma, at maaaring isumite ang magkakaibang opinyon sa halip.

Posibleng ibahagi rin ang ulat sa Department of Justice at Ombudsman para sa case buildup, habang target ipagpatuloy ang pagdinig bago mag-adjourn ang sesyon sa Hunyo 6.

Dagdag niya, isasaalang-alang din ng Senado ang iskedyul ng posibleng impeachment trial ni VP Sara Duterte sa pagtakbo ng imbestigasyon. (report by Bombo Jai)