Pinag-aaralan muli ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga flagship infrasturcture projects sa ilalim ng administrayong Duterte upang tiyakin na makatutulong ang mga ito sa muling pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary at NEDA chief Karl Kendrick Chua, inaalam ngayon ng ahensya kung anong mga proyekto sa ilalim ng infrastructure development program ang dapat unahin.
Mayroon aniyang 104 projects sa listahan ng infrastructure flagship projects (IFPs) sa ilalim ng health, information and communications technology, power and energy, transport and mobility, urban developmet, at water resources.
Siniguro naman ni NEDA Undersecretary Jonathan Uy na niri-recalibrate na ng ahensya ang nasa mahigit 100 IFPs. Inaasaahan nito na bago matapos ang taong 2020 ay maisasapinal na nila ang naturang listahan.
Dagdag pa nito, pinag-aaralan na rin nila ang paggamit ng digital technology para sa mga health infrastructure. Dahil na rin umano sa epekto ng mga nagdaang bagyo ay mas palalawigin pa ng NEDA ang flood water at water supply projects.
Paliwanag pa ni Chua, ini-evaluate nila ng mabuti ang kahandaan ng mga proyekto gayundin ang substantial completion o pagpapatupad nito habang nasa termino pa si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa 104 IFPs aniya ay 26 lamang ang nasa preparation processes, bawat isa ay kailangang dumaan sa approval at final preparation process sa mga susunod na linggo. Sa oras naman na hindi maabot ng mga proyektong ito ang mga objectives na kinakailangan ay matetengga ito.
Binigyaang-diin din ni Chua na nananatiling nakatuon ang pansin ng gobyerno sa pagsusulong mga infrastructure program. Sa 2021 general appropriations act (GAA) aniya ay aabot ng P1.1 trillion o halos 5.4% ng gross domestic product (GDP) ang inilaan para sa mga imprastruktura.