Inanunsiyo ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na kaniyang inaprubahan ang rekomendasyon ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na ipagpatuloy ang pag-suspendi sa fishing activities sa gitna ng malawakang oil spill sa probinsiya.
Ayon sa Gobernador, ang patuloy na pagpapatupad ng fishing ban ay para sa kaligtasan ng mga residente sa probinsiya sa kabila pa ng findings ng BFAR na mababang lebel ng contaminants o polycyclic aromatic hydrocarbons (PAH) mula sa fish samples na nakuha sa mga lugar na apektado ng tumagas na langis.
Una ng nagkolekta ang BFAR ng fish samples mula sa mga munisipalidad ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Bansud, Gloria, Roxas, Mansalay, Bongabong, at Bulalacao sa Oriental Mindoro para tukuyin kung ligtas para sa public consumption ang mga mahuhuling lamang dagat sa karagatan ng probinsiya at kung dapat ng tanggalin ang umiiral na fishing bans.
Patuloy pa rin nan ang paganalisa ng BFAR sa water at fish samples sa mga apektadong lugar para mamonitor ang pagkalat ng kontaminasyon at matukoy ang lawak ng pinsala bunsod ng oil spill sa sektor ng pangisdaan.
Una rito, ipinagtupad ang fishing ban noong unang linggo ng Marso kasunod ng malawakang oil leak mula sa lumubog na MT Princess Empress na naglalaman ng 900,000 litro ng industrial fuel.