-- Advertisements --

TOKYO – Katulad nang binuksan ang 2020 Tokyo Olympics, halos bakante rin ang stadium na pinasukan ng mga atleta mula sa iba’t ibang kalahok na bansa para sa pagtatapos ng Summer Games.

Ito ay dahil nilimitahan pa rin ang mga pinapapasok sa Olympic Stadium bunsod ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Gayunman, pumawi sa tila nakakapanibagong eksana na ito sa Olympics ang inihandang puti at gintong fireworks sa Olympic Stadium para sa pagtatapos ng Summer Games.

Ang stage ay hindi rin halos punong-puno kahit pa nagmartsa papunta rito ang mga atleta bitbit ang kani-kanilang national flags at nagtipon-tipon sa isang malaking bilog.

Marami kasi sa mga atleta ay umalis na ng Tokyo at hindi na nakadalo pa sa event ngayong Linggo sapagkat 48 oras makalipas ang kanilang final competition ay kailangan nang umuwi ng mga ito sa kanikanilang mga bansa.

Magugunita na ang Tokyo Olympics ay para sana ipakita ang pagbangon ng Kapan mula sa mapinsalang malakas na lindol, tsunami at nuclear crisis noong 2011.

Makalipas na ipinagpaliban ng isang taon, sinabi ng mga organisers na ang Summer Games na ito ay magsisilbing simbolo nang pagsusumikap ng buong mundo na makabangon sa epekto naman ng COVID-19 pandemic.