-- Advertisements --

Pinasusuri ni Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun sa Department of Trade and Industry (DTI) ang fine prints at community standards ng online selling platforms.

Aniya, marapat bigyang galang ng mga e-commerce platforms ang mga netizen na pumapasok sa kanilang bahagi ng cyberspace sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maayos na customer experience.

Panawagan nito sa DTI, Securities and Exchange Commission, Bangko Sentral ng Pilipinas, at iba pang regulatory agencies, na ipairal ang “transparent, proactive, preventive, incentivized, and punitive actions” upang protektahan ang mga mamimili sa gitna ng mga di magandang karanasan ng ilang netizens sa kamay ng ilang sellers.

Ayon kay Fortun, may ilang customer ang hirap na ma-contact at tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga nagtitinda online sellers lalo na kapag mayroon silang reklamo sa produktong nabili.

Dapat aniya, binubusisi ng DTI ang terms and conditions, community standards, at iba pang “fine print” ukol sa mga transaksyon sa E-commerce sa gitna ng mga reklamo hinggil sa hassle na return and exchange policies nito.