-- Advertisements --

Binuweltahan ni Health Sec. Francisco Duque III ang aniya’y “baseless findings” ng Senate Committee of the Whole sa imbestigasyon na isinagawa hinggil sa iregularidad sa PhilHealth.

Sa kanyang pagharap sa joint committee hearing sa Kamara, sinabi ni Duque na ibinase lamang ng mga senador ang kanilang findings sa mga alegasyon lamang.

Kahapon, Setyembre 1, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na inirerekomenda nilang kasuhan ng malversation at graft and corruption si Duque at iba pang matataas na opisyal ng PhilHealth dahil sa aniya’y “improper” at “illegal” implementation ng interim reimbursement mechanism (IRM).

Nagkaroon kasi ng “grave abuse of discretion or gross negligence” sa paggamit ng IRM funds, ayon kay Sotto.

Pero ayon kay Duque, walang basehan ito dahil idinamay siya sa mga kakasuhan kahit pa wala naman siyang papel noong tinatalakay pa lamang ang IRM, at hindi rin siya pumirma sa resolusyon ukol dito.