-- Advertisements --

Tiniyak ng pamahalaan ang tulong na matatanggap ng mga mare-repatriate na mga Pilipino sa Iran, Iraq at Lebanon na naiipit sa ngayon sa kaguluhan sa Middle East.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni House Committee on Overseas Workers Affairs chairman Reymond Democrito Mendoza na makakatanggap ng P20,000 cash assistance at loan para sa kanilang livelihood component ang mga uuwing documented OFWs.

Ang mga undocumented OFWs aniya ay makakatanggap ng P5,000 na cash grant sa bisa ng mandatory repatriation, pero maaring magbago dipende sa maging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga Pilipinong ayaw naman aniyang umuwi sa Pilipinas, sinabi ni Mendoza na kasalukuyang kinakausap ng DOLE ang gobyerno ng Canada, China, Russia at iba pa sa posibilidad na doon na diretsong lumipat.

Samantala, nanawagan naman si Mendoza kay Pangulong Duterte na sertipikahang urgent ang House Bill No. 5832 o panukalang magtatatag ng Department of Filipino Overseas and Foreign Employment.

Binigyan diin ng kongresista ang kahalagahan na maipasa sa lalong madaling panahon ang panukalang batas na ito dahil sa mga kaganapan sa Gitnang Silangan.

“We need a wholistic approach (sa issue na ito),” ani Mendoza.

Kapag maging ganap na batas, ang bagong kagawaran na ito ang siyang magsusulong sa pangangalaga sa mga karapatan ng mga OFWs.

Ililipat sa kagawaran na ito ang mandato ng POEA, OWWA, Department of Foreign Affairs-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, Commission on the Filipinos Overseas, at ng International Labor Affairs Bureau