roger casugay
Roger Casugay

LA UNION – Natutuwa ang Filipino surfer at gold medalist na si Roger Casugay sa pagkakapili sa kanya bilang flag bearer ng Team Philippines sa closing ceremony ang South East Asian (SEA) Games.

Ayon kay Casugay, halos hindi ito makapaniwala na siya ang pinili ng Philippine (SEA) Games Organizing Committe bilang taga-dala ng bandila dahil hindi niya ito inaasahan.

Sinabi pa ni Casugay na isang karangalan ito sa bansa lalo na sa lalawigan ng La Union.

Kung maalala, naging trending topic sa social media at laman ng mga balita ang naturang Filipino surfer dahil sa pagtulong nito sa katunggaling Indonesian sa kasagsagan ng kompetisyon na makaahon sa dagat matapos tangayin ng mga naglakihan alon ang surfing board ng dayuhan.

Ang naturang pangyayari ay nakaagaw atensyon kay Indonesian President Joko Widodo na nagpaabot din ng pasasalamat at pagbati kay Casugay dahil sa pagtulong nito sa kababayang atleta.