Mismong ang half Pinay actress na si Hailee Steinfeld ang nag-anunsyo na opisyal na siyang gaganap bilang si Kate Bishop sa bagong superhero movie.

Ito’y nataon naman sa kanyang 25th birthday ngayong December 11, kaya bakas ang excitement sa kumpirmadong pagbida niya sa “Hawkeye.”

Makakasama ni Hailee ang Hollywood actor na si Jeremy Renner na kung maaalala ay minsan na ring nag-taping sa bansa.

Partikular dito ang malaking bahagi ng pelikulang “The Bourne Legacy” na kuha sa Manila at Palawan.

Maging ang original “Avenger” ay nag-post din ng tila isa sa magiging eksena nila ng Fil-Am Oscar-nominated actress bagama’t nakatalikod ang mga ito.

Una nang sumikat si Steinfeld sa “Pitch Perfect” sequels, gayundin sa Transformers spin-off na “Bumblebee,” at siyang boses sa likod ng karakter ni Gwen Stacy sa “Spider-Man: Into the Spiderverse.”