-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Papatawan ng sanction ng FIFA ang Indonesian federation kasabay ng trahedya na nangyari sa isang football match sa gitna ng Arema at Persebaya Surabaya sa Malang Regency, East Java, Indonesia.

Umaabot na sa mahigit sa 170 ang nasawi habang nasa 180 ang sugatan na kasalukuyang nasa pagamutan dahil sa malala na injuries.

Ayon kay Bombo International Correspondent Ginavella Limpi-Cumla ng Jakarta, Indonesia na nagpalabas ng pahayag si Indonesian President Joko Widoddo na magsasagawa ng malalim na imbestigasyon sa nangyaring stampede.

Mahigit sa 3,000 katao ang nasa loob ng nasabing football field ng nangyari ang insidente at tinuturing na over crowded kung saan nagkainitan sa gitna ng mga tagasuporta ng dalawang koponan matapos na matalo ang Arema sa score na 3-2.

Dagdag pa ni Cumla na nagbabala ang presidente na ito na ang huling trahedya na mangyayari sa mga football field at papanagutin ang mga responsible sa insidente na ikinasawi ng maraming fans.

Maliban dito, may mga police cars na sinunog at napansing kaunting pulis lamang ang rumesponde kumpara sa mga nagsagawa ng gulo.

Sa ngayon, pansamantalang tinigil ang mga football match sa naturang bansa upang bigyan daan ang imbestigasyon.