-- Advertisements --

Tumaob ang ferry boat ng mga turista sakay ang 89 katao sa karagatan ng Nusa Lembongan, Bali noong Miyerkules ng hapon matapos tamaan ng malalaking alon.

Batay sa mga awtoridad paalis ang ferry boat papuntang Sanur bandang alas-4:30 ng hapon nang ito’y tumaob.

Sa video na kumalat sa social media makikitang nagsisigawan ang mga tao habang pilit nilang binabasag ang mga bintana upang makalabas. Ilan ay tumalon pa sa dagat habang ang mga nasa kalapit na bangka ay agad na tumulong gamit ang lubid.

Sa kabuuan, 77 sa mga pasahero ay mga dayuhan at 12 ay Indonesian kung saan lahat ay nailigtas bandang ala-6:30 ng gabi, at walang naiulat na nasawi o malubhang nasugatan.

Samantala pansamantalang ipinadala ang mga divers upang masigurong walang naiwang biktima sa ilalim ng ferry boat matapos itong tumaob.

Nabatid na ang insidente ay nangyari ilang buwan lamang matapos malunod ang isang babaeng Australian nang tumaob din ang isang snorkeling boat sa Bali.

Dahil dito, pinaalalahanan ng Australian government ang kanilang mga mamamayan na mag-ingat sa paglalakbay sa Indonesia dahil sa panganib ng malalakas na alon at hindi ligtas na mga sasakyang pandagat.