Magiging prioridad na ng Food and Drug administration (FDA) ang COVID-19 vaccines na may full approval, sa oras na may mabigyan na rin ng pahintulot sa ating bansa, mula sa available na mga bakuna.
Ito ang naging pahayag ni FDA Director General Eric Domingo, kasunod ng pagbibigay ng permiso ng US FDA sa Pfizer para magamit ang kanilang produkto sa commercial use.
Ayon kay Domingo, sa oras na mag-apply na rin ang naturang kompaniya sa Pilipinas, maaaring mabigyan ito ng basbas sa loob ng isang buwan, kung walang makikitang problema.
Kasabay nito, hindi na aniya mag-iisyu ng emergency use authorization (EUA) ang kanilang tanggapan kung mayroon nang produktong may complete approval.
Para sa FDA chief, maganda ang magiging epekto ng ganitong development dahil ang ilang sektor ay maaari nang makabili para sa kanilang sarili ng bakuna, habang ang mga walang kakayahan na lang ang bibigyan ng gobyerno ng libreng COVID-19 vaccines.