MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na kailangan pa rin dumaan sa “authorization” ang mga donated na bakuna laban sa COVID-19 bago ito ipamahagi sa publiko.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ni FDA director general Eric Domingo nitong Martes na maaaring tumanggap ng donasyong bakuna ang pamahalaan.
“The FDA clarifies that donated COVID-19 vaccine require FDA authorization in the form of Emergency Use Authorization (EUA) prior to use,” ayon sa statement ng ahensya.
Paliwanag ng regulatory agency, kailangan makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) ang sino mang institusyon o grupo na nais mag-donate ng bakuna sa pamahalaan.
Bago tanggapin ng Pilipinas, dadaan pa raw sa evaluation ng DOH ang donasyon.
“The DOH evaluates by considering the relevance of the donated product to the need of the beneficiaries, reliability of the source, shelf life, and other relevant criteria.”
Ayon sa FDA, kailangan i-apply ng Health department para sa emergency use ang donated vaccine kung wala itong EUA mula sa Philippine regulatory agency.
Ito raw kasi ang magsisiguro na ligtas, epektibo, at may kalidad ang produktong gustong i-donate sa bansa.
“Only after authorization of the FDA may the DOH distribute the products to the intended beneficiaries.”
Binigyang diin ng FDA na responsibilidad ng Health department ang ano mang aktibidad kaugnay ng tatanggaping donasyon.
“Let it be stressed that the approval of the donated product does not mean free use thereof. FDA’s authorization is limited to the donated lot and carries conditions for use depending on tha nature of the donated product.”
Kamakailan nang sabihin ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na plano ng Beijing na mag-donate ng kalahating milyong doses ng kanilang bakuna sa Pilipinas.
Una nang sinabi ng DOH na hihintayin muna nilang maggawad ng EUA ang FDA bago tumanggap at magturok ng donated vaccines.