MANILA – Natanggap na ng opisina ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo ang final evaluation ng expert panel ng ahensya para sa aplikasyong emergency use authorization (EUA) sa bakuna ng kompanyang AstraZeneca.
Kaya naman asahan daw na bago matapos ang linggo ay makakapaglabas na ng desisyon ang FDA sa EUA application ng British company.
“Last week, our experts had a list of questions they want AstraZeneca to clarify and it took them four days to give us the reply, but they did on before the midnight of Friday. I was able to forward to our experts and they finished already,” ani Domingo sa interview ng CNN Philippines.
“They gave me their recommendation yesterday.”
Ayon kay Domingo “very favorable” ang rekomendasyon ng technical at safety panels na nag-evaluate sa mga datos ng AstraZeneca vaccine.
Paliwanag ng opisyal, bukod sa murang presyo ng kanilang bakuna, hindi rin komplikado ang cold storage requirement ng AstraZeneca kaya ito ang pinili ng karamihan ng local government unit.
Handa rin daw ang kompanya na pumasok sa tripartite agreement, at naiintindihan na hindi pa nila pwedeng ibenta ang bakunang nasa gitna pa rin ng pag-aaral.
Aminado si Domingo na isa sa nagpabilis ng proseso ng aplikasyon ng AstraZeneca ay ang EUA na iginawad sa kanila ng isang Stringent Regulatory Authority tulad ng United Kingdom.
Noong January 6 nang magpasa ang aplikasyon ang kompanya. Pangako ng FDA na tatakbo lang ng 21 araw ang proseso ng mga EUA application basta’t kompletong maipapasa ng aplikante ang mga kinakailangang dokumento.