-- Advertisements --

Nagpaalala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko ukol sa posibleng epekto ng mga bakunang isinasailalim ngayon sa clinical trials ng COVID-19.

Sa isang panayam sinabi ni FDA director general Eric Domingo na may kanya-kanyang side effects ang mga bakunang sinusubukang panggamot sa coronavirus disease patients.

Ilan daw sa kilala nang side effects ng bakuna na nasa ilalim ng trials ay ang pamamaga sa parte ng katawan kung saan tinurok ang injection.

May iba rin umanong nakakaramdam ng mild symptoms, tulad ng pagbigay ng katawan matapos makatanggap ng bakuna.

Ayon kay Domingo, posibleng ring magkasakit ang indibidwal na tuturukan ng trial vaccine bilang side effect.

Sa kabila nito tiniyak ng opisyal na pag-aaralang mabuti ng kanyang tanggapan ang mga bakuna laban sa COVID-19 bago bigyan ng certification.

Nitong Martes nang ianunsyo ni Russian President Vladimir Putin na may aprubado na ang na-develop nilang bakuna laban sa pandemic na coronavirus disease.

Pero ayon sa Department of Health, gaya ng ibang bakuna at gamot, dadaan pa rin sa regulatory procedures ang mga ito bago magamit sa mga Pilipino.

“Just like any product, any other new technology katulad ng bakuna, idadaan natin ‘yan sa regulatory procedures,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.