MANILA – Dalawang kompanya ang nag-aagawan para mabigyan ng emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinopharm ng China.
Ito ang inamin ng Food and Drug Administration (FDA) matapos gawaran ng EUA ang Sputnik V vaccine ng Russia.
“Dalawa na silang nagpadala ng letter of intent for an EUA. There are now two emails sent to the FDA. We’ve replied to both and given them the list of requirements and process of EUA application,” ani director general Eric Domingo.
Walang binanggit na pangalan ng kompanya ang opisyal, pero magugunita na isang MKG Corporation ang nagpakilalang “sole distributor” ng Sinopharm vaccines sa Pilipinas noong Enero.
Ang sinibak na Department of Transportation official na si Atty. Mark Kristopher Tolentino ang nagpakilalang chief executive officer ng MKG nang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado.
Kung maaalala, inamin ng opisyal noong March 2 na naghain na ng aplikasyon ang Sinopharm.
Pero hindi pa raw ito maikokonsiderang opisyal dahil sa sa pamamagitan ng online lang ipinasa ng kompanya ang aplikasyon.
“Wala pang sumasagot sa dalawa, so as of now, wala pa talagang officially filed application with documents and requirements with the FDA when it comes to Sinopharm.”
Naging kontrobersyal ang naturang Chinese company matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre na ginamit na kanyang security group ang bakuna ng Sinopharm.
Sinabi rin ni special envoy to China Ramon Tulfo na noong nakaraang taon ay nabakunahan din siya ng Sinopharm vaccine kasama ang ibang opisyal.
Ayon sa Beijing Institute of Biological Products, na subsidiary ng Sinopharm, 79.34% ang efficacy rate ng bakuna.
Pagmamay-ari ng pamahalaan ng China ang Sinopharm, na kilala rin bilang China National Pharmaceutical Group Corporation.