-- Advertisements --

Nairehistro ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagtaas ng presyo ng itlog sa mga nakalipas na araw.

Ayon kay SINAG Executive Director Jayson Cainglet, tumaas ng P0.30 – P0.40 ang farmgate price ng kada piraso ng itlog.

Umaasa si Cainglet na hindi na ito masusundan pa sa mga susunod na lingo, lalo na at kalimitan aniyang idindahilan ng mga retailer ang mataas na demand sa itlog tuwing panahon ng kapaskuhan, habang nalilimitahan din ang supply.

Katwiran ni Cainglet, bagaman aminado ang poultry industry na nalilimitahan ang supply ng itlog sa mga merkado lalo na kung holiday season, hindi aniya akmang magkaroon ng mataas na patong sa presyo ng mga itlog, para lamang magkaroon ng mas mataas na kitaan.

Inihalimbawa nito ang hanggang kwarenta sentimos (P0.40) na itinaas ng farmgate price.

Aniya, hindi dapat ito gamitin ng mga retailer para taasan ng P1.00 hanggang P2.00 ang presyo ng bawat piraso ng itlog, lalo na sa kasagsagan ng holiday. Makatwiran na aniya ang P0.50 na itataas ng bawat piraso, kahit pa tumaas ang demand.

Kasabay nito ay umapela rin si Cainglet sa pamahalaan na bantayan ang bentahan ng itlog ngayong kapaskuhan upang hindi labis na mapahirapan ang mga consumer.

Tinukoy nito ang umano’y ginagawa ng ilang retailer na pagpapalit ng klasipikasyon ng mga paninda kung saan ang mga medium ay ibinebenta bilang large habang ang mga small size ay ibinebenta bilang medium.

Ang itlog ang isa sa mga kalimitang ginagamit na sangkap sa mga inihahandang pagkain sa Pasko at Bagong Taon.