Nanindigan ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi pa kailangang umangkat ang Pilipinas ng karne ng baboy.
Inilabas ng SINAG ang naturang statement kasunod ng inilabas ng DA na ikinukunsidera nitong bumili ng karne ng baboy dahil sa posibleng deficit o kakulangan hanggang sa pagtatapos ng taon.
Ito ay dahil pa rin sa epekto ng African Swine Fever(ASF) sa industriya ng pagbababoy sa Pilipinas.
AYon kay SINAG executive director Jayson Cainglet, walang rason ng pagkabahala dahil inaasahan ng mga local hog raiser na ‘sporadic’ o nangyayari lamang sa iilang mga lugar ang ASF at ang produksyon sa ibang lugar ay nananatiling mataas.
Maliban dito, malaki pa aniya ang stock ng karne ng baboy sa Pilipinas.
Batay sa datus ng National Meat Inspection Services(NMIS), umaabot pa sa 87,338.57 metriko tonelada ng forzen pork ang nasa mga cold storage facilities.
Habang ang kasalukuyang bulto ng imported na baboy na inaasahang madadala sa mga merkado ay umaabot pa sa 85,306.30 metriko tonelada.
Nananatili namang mababa ang lokal na produksyon na nasa 2,032.27 metriko tonelada.
Samantala, nakaangkat na ang Pilipinas ng kabuuang 405.92 million kgs ng karne ng baboy simula Enero hanggang Agusto ng kasalukuyang taon.