Umaasa ang Commission on Population na makakabawi sila sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10354 o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law sa susunod na taon.
Ayon kay PopCom executive director Usec. Juan Antonio Perez, apekatado ng COVID-19 pandemic ang kanilang national planning program.
Bagama’t hindi pa nailalabas ang kanilang official numbers, sinabi ni Perez sa kanyang talumpati sa 2020 State of Population and Development report kahapon na kailangan talagang maka-recover mula sa low performance ng National Program on Population and Family Planning (NPPFP).
Bago magkaroon ng pandemya, at nang magpatupad ng lockdown ang pamahalaan, aktibo ang PopCom sa kanilang kampanya kontra maagang pagbubuntis.
Sa katunayan, sinabi ni Perez na nag-ikot ang kanilang mga empleyado para paalalahanan ang publiko sa mga kaakibat na responsibilidad ng maagang pagbubuntis o pagpapamilya.
Gumamit pa nga sila ng mga anila’y cheesy na taglines gaya ng “piliin ang pangarap, ‘wag ipagpalit sa panandiliang sara” para ipabatid ang kanilang adbokasiya kontra teenage pregnancy.
Gayunman, matapos na maisailalim ang maraming lugar sa bansa sa ilalim ng lockdown para maiwasan sana ang hawaan ng novel coronavirus 2019, nahirapan ang PopCom sa pagbibigay ng kanilang serbisyo sa publiko.
Tinatayang aabot sa 2 million sanggol ang isisilang ngayong 2020, kung saan 214,000 dito ay pawang hindi pinagplanuhan at dahil maaring bunsod nang mahabang panahon na magkasama ang mga mag-asawa sa gitna ng lockdown.
Kasabay nito ay ang pangamba rin nang pagtaas ng domestic violence at mahinang maternal health, dahil nakatuon ang atensyon ng bansa sa pandemya.
Noong medyo nakakabangon na ulit ang bansa sa epekto ng pandemya, dumating at nanalasa naman ang ilang mga bagyo na siyang dahilan kung bakit lumikas ang karamihan sa mga residente sa mga apektadong lugar.
Nakikita ito ng PopCom na isa pang posibleng problema para sa reproductive health.
Sa kabila ng mga problemang ito, naniniwala si Perez na ang bansa, kasama na ang family planning program ng pamahalaan, ay makakabawi sa 2021.