Nananatili pa ring walang katiyakan kung maglalatag ang pamahalaan ng extension para sa mga retailers na hindi pa nakakakuha ng kanilang claims sa ilalim ng Price Cap na unang ipinatupad sa mga well-milled at regular milled na bigas.
Maalalang kasabay ng paglalatag ng pamahalaan ng naturang price control ay naglaan din ito ng pondo na ibinigay para sa mga retailers na naapektuhan dito.
Batay sa datus ng Department of Trade and Industry (DTI), mayroong kabuuang 8,873 qualified recipients ang hindi nagpakita at kumuha sa kanilang livelihood grants.
Ang mga ito aniya ay hindi pa tinatanggap ang tulong mula sa pamahalaan na ibibigay upang maibsan sana ang pasanin sa epekto ng price cap.
Ayon kay DSWD assistant secretary and spokesman Romel Lopez, wala pang pinal na desisyon kung i-extend nila ang processing para sa mga unclaimed grants.
Samantala, iniulat ng DSWD na may 153 retailers ang na-disqualify dahil sa kabiguang makapagpakita ng mga akmang dokumento.
Sa kabuuan, umabot sa 35,302 micro-rice retailers and sari-sari store owners ang na-verify na makikinabang sana sa naturang ayuda, batay sa datus ng DSWD, na una ring na-validate at na-certify ng DTI.