Inamin ng isang political analyst na malaki pa rin ang papel ng karanasan ng isang mambabatas sa pag-upo bilang lider ng Kamara sa pagbubukas ng bagong Kongreso.
Sa isang panayam sinabi ng political analyst at University of the Philippines faculty na si Prof. Ranjit Rye na hindi sapat ang pagiging malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ng isang kongresista para maluklok sa posisyon ng House Speaker.
Iginiit ng eksperto na mahalagang may kaalaman sa legislative agenda ng Lower House ang susunod na lider nito kung nais ng pangulo maitulak ang kanyang mga plano at proyekto.
Para kay Rye, si Taguig City elected Rep. Alan Peter Cayetano ang pasok sa naturang kwalipikasyon bilang matagal na itong nagsilbi sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno.
“Councilor, Vice Mayor, TOYM awardee, three term congressman, two term senator, running mate of Pres. Duterte, and served in the cabinet and Foreign Affairs secretary, Rep. Alan Peter Cayetano is the most qualified among the candidates for speaker,” ani Rye.
“The House needs a leader who has a working relationship with Presidente Duterte and can actually get things done,” dagdag pa nito.
Bukod kay Cayetano, maugong din ngayon ang pangalan nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Davao del Norte re-elected Rep. Pantaleon Alvarez, Leyte Rep. Martin Romualdez na maging susunod na speaker ng Lower House.
Kung maaalala, ibinunyag ni Alvarez na pinopondohan ng business tycoon na si Ramon Ang ng San Miguel Corporation ang bid ni Velasco sa speakership.
Dati na ring gumawa ng ingay ang pangalan ng negosyante dahil sa umano’t suporta nito sa pagtakbo ni Sen. Grace Poe bilang presidente noong 2016.