Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi bagong protocol ang ibinibigay na exemption sa mga essential workers sa harap nang “No Vaccine, No Ride” policy, na sinimulang pormal na ipinatupad noong Lunes, Enero 17.
Iginiit ng DOTr na bago pa man ang formal implementation ng naturang polisiya ay malinaw na nakasaad na sa Department Order na nailathala noon pang Enero 12 ang mga exempted sa restrictions na ito.
Sa ilalim ng naturang Department Order, exempted sa No Vaccine, No Ride policy ang mga mayroong medical conditions na siyang dahilan kung bakit hindi sila makapagbakuna kontra COVID-19, na dapat mapatunayan sa pamamagitan ng isang duly-signed medical certificate.
Hindi rin sakop sa natuarng polisiya ang bibili ng essential goods at services pati na rin iyong kailangan na magtrabaho sa ilalim ng Alert Level 3 basta may maipakita lamang na barangay health pass o iba pang katibayan.
Dumipensa rin ang kagawaran laban sa mga nagsasabing ang polisiya nilang ito ay maikukonsiderang anti-poor gayong layunin lamang nito na maprotektahan ang lahat at para matulungan na rin ang mga pagod na pagod nang health care workers.
Gayunman, kanilang tinitiyak na ang DOTr ay patuloy na babalangkas ng iba pang pamamaraan para makumbinse rin ang publiko na magpabakuna.
Kabila na rito ang nakatakdang pagbuhay sa kanilang vaccination drive para sa transport workers.