Nahaharap sa habambuhay na pagkakabilanggo ang dating asawa ng yumaong NBA (National Basketball Association) player na si Lorenzen Wright matapos itong magpasok ng guilty plea sa kasong facilitation to commit first-degree murder at facilitation to commit attempted first-degree murder.
Una nang naghain ng not guilty plea ang 48-anyos na si Sherra Wright, at wala rin sa schedule ang pagpapakita nito sa korte dahil sa Setyembre pa sana ito babalik.
Pinaniniwalaang napatay si Lorenzen Wright noong Hulyo 19, 2010, nang marinig ang mga putok ng baril habang tumatawag ito sa 911.
Natagpuan na lamang ang kanyang labi sa kakahuyan sa bahagi ng Memphis noong Hulyo 28.
Sa loob ng ilang taon, naging misteryo ang pagkamatay ng NBA player, ngunit nadakip ng mga kinauukulan sina Sherra Wright at nagngangalang Billy Ray Turner noong Disyembre 2017.
Bilang kapalit ng kanyang plea, nakatanggap ng 30-taong pagkakakulong si Sherra, at maaari na itong humirit ng parole matapos na makapagsilbi ng 30 percent ng naturang sentensya.
Ayon sa kanyang abpgadong si Juni Ganguli, nagkaroon na sila ng kasunduan ni prosecutor Paul Hagerman nitong Miyerkules ng gabi.
“We have been working towards this for about a month or so,” wika ni Ganguli. “Since we suspected Billy Ray Turner was going to testify against her, our defense was going to be that Sherra recruited Billy to kill Lorenzen because he had beaten Sherra for years.”
Inihayag pa ni Ganguli na nasa mukha ni Sherra ang patunay sa natatanggap nitong pang-aabuso dahil sa nag-iba umano ang hugis ng kanyang mukha at iba na raw ang paggalaw ng kanyang bibig.
Nag-plead not guilty naman si Turner sa murder at conspiracy to commit murder charges.