-- Advertisements --
Christine Dacera

Nagsalita na rin ang dating alkalde ng Makati City na si dating Vice President Jejomar Binay kaugnay ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Para sa dating alkalde ng Makati City, simple lamang naman daw sana ang kaso ng pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant mula sa General Santos City pero naging kumplikado ito dahil sa ilang dahilan ng magkakaibang partido.

Sa palagay daw ang dating vice president, tinatagalan ang imbestigasyon dahil mayroong gustong ipagpilitan na mayroong nangyaring rape o panggagahasa sa pagkamatay ni Dacera.

Sinabi rin ni Binay na mayroon ding pagkukulang ang PNP sa isinagawang imbestigasyon na binatikos din dahil sa kanilang pronouncement na wala pa namang sapat na ebidensiya kaugnay ng naturang kaso.

Una rito, sinabi ni Guevarra na posibleng ilabas na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa susunod na linggo ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa insidente.

Ngayong araw, ipinatawag daw ng NBI ang mga isinasangkot sa krimen para magbigay ng kanilang mga testimonya.

Tukoy na rin daw ng NBI ang mga indibidwal na nasa kabilang hotel room partikular ang “room 2207” na paulit-ulit na pinuntahan ni Dacera bago ito mamatay.

Madali lamang daw na natukoy ang mga ito dahil nasuri na rin ng NBI ang mga CCTV footages sa hotel partikular sa reception, entrance, lobby, corridor maging sa loob ng elevator.

Sa panig ng NBI, sinabi ni NBI Spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin na kasalukuyan nang sinusuri ng forensic expert ang sample tissues na nakuha mismo ng NBI sa bangkay ni Dacera bago ito inilibing kahapon.

Tiniyak ni Lavin na sa pamamagitan ng imbestigasyon ng NBI ay lalabas ang katotohanan kung ano talaga ang nangyari bago mamatay ang flight attendant sa mga susunod na raw base sa kanilang parallel investigation.