Inaasahang haharap sa prosecutors sa Manhattan, New York si dating US President Donald Trump sa araw ng Martes para sa arraignment.
Sa isang arraignment, ihaharap ang isang nasasakdal kabilang ang mga kaso at maghahain ng plea.
Saka magpapasya ang hukom kung papalayain o magpapiyansa ang isinasakdal o hindi.
Subalit ayon sa isa sa defense lawyer ni Trump na si Joe Tacopina, hindi aniya magsasagawa ng plea deal ang dating pangulo at nakahandang sumailalim sa pag-uusig.
Inaasahan din aniya na papalayain nang walang piyansa si Trump.
Magkakaroon pa rin ng mug shot, fingerprints at maraming papeles na pupunan bilang bahagi ng proseso ng booking.
Kung matatandaan na noong Huwebes, kinasuhan ng New York grand jury si Trump kaugnay sa $130,000 hush-money na ibinayad umano sa porn star para patahimikin sa kasagsagan noon ng kaniyang 2016 campaign.