Binuweltahan ni dating Speaker Pantaleon Alvarez ang mga nang-iintriga sa kanya kasunod ng kanyang pahayag na bigo ang Duterte administration sa COVID-19 response nito.
Tinawag ni Alvarez na “bugok” ang mga nagsasabi na siya ay kasapi na ng oposisyon matapos na punain ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
“Eh pagka ba nagsabi tayo ng totoo, laban sa administrasyon, automatic oposisyon ka na? Eh ang porblema kasi wala ng nagsasabi eh. Takot lahat magsabi ng totoo,” giit ni Alvarez.
Sinabi lamang din niya ang totoo sapagkat hindi naman aniya maikakaila na makalipas ang ilang buwan ay patuloy pa rin ang mataas ang bilang ng mga naitatalang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.
Iginiit ni Alvarez na obligasyon niya bilang mamamayan at kinatawan ng Davao del Norte na magsabi ng totoo, pero hindi para siraan ang administrasyon kundi para maiwasto ang mga mali.
Nilinaw naman din nito na hindi niya binabatikos si Pangulong Rodrigo Duterte, na kanyang kaalyado sa politika, kundi ang hindi tamang pamamaraan sa pagtugon sa pandemnya.
“Hindi naman pangulo lahat ‘yan eh. Wag mo isipin dun sa pangulo ‘yan. Kung sino yung mga naatasan dapat ayusin nila. Kailangan natin dito na ireasses mo yung approach,” ani Alvarez.
“Isipin mo ikaw yung Covid positive umaakyat imbis bumababa, ano tawag natin doon? Success? Harapin natin yung totoo. Hindi success yan, failure yan. Sabihin na natin yung totoo tatanggapin natin. Yun talaga,” dagdag pa nito.