-- Advertisements --

Matibay ang paniniwala ni dating Senador Antonio Trillanes IV na mananalo si Vice President Leni Robredo sakaling magpasya itong tumakbo bilang pangulo sa 2022 elections.

Sa isang Twitter post, nagpahayag ng pag-asa si Trillanes na tatakbo si Robredo para sa pinakamataas na posisyon ng bansa sa darating na halalan.

“In the meantime, let’s hope that VP Leni would run because she would surely win if she does,’ he said,” wika ni Trillanes sa kanyang tweet.

Bago rito, isinumite ng dating mambabatas ang kanyang pangalan para sa konsiderasyon ng 1Sambayan bilang posibleng pambato bilang pangulo sa 2022.

Ngunit sinabi ni Trillanes na handa siyang magbigay daan kay Robredo sakaling magpasya itong kumandidato bilang pangulo.

Nag-react naman ang isang netizen sa tweet ni Trillanes, kung saan tinawag siyang pinakamagandang kandidato bilang pangulo ng bansa.

“Thank you for the trust and support, ma’am. Be assured that we are prepared to answer the call of duty in case the situation warrants it,” tugon ni Trillanes.

Nagpasalamat naman ang isa pang netizen kay Trillanes na tinawag siyang officer at gentleman.

“You will always have my support. The county needs you. Your patriotism is what our younger generation will need to emulate,” wika ng netizen kay Trillanes.

Tiniyak naman ni Robredo na hindi siya naging “sell out” sa kanyang “exploratory talks” kay Senador Panfilo Lacson, na nagdeklara ng kandidatura bilang pangulo noong Miyerkules.

“Hindi pa kami nakapag-usap, pero I think iyong turn of events, ma-a-assure naman siya na hindi tayo sell-out. Iyong turn of events, lalo na iyong kay Senator Lacson,” wika niya sa isang online interview.

Iginiit ni Robredo na mismong si Senador Lacson ang nagsabi na hindi siya pumayag sa panukala ng senador.

“Siguro assurance iyon kay Senator Sonny na exploratory talaga ito, eh. It’s not like makikipag-meeting ako at magiging sell-out ako. Kasi ang purpose talaga ng meeting is to explore,” dugtong pa ni Robredo.

Mahigit 200 grupo na kumakatawan sa mahigit 500,000 miyembro ang nanawagan kay Robredo na tumakbo bilang pangulo sa 2022 dahil taglay niya ang katangian ng dapat maging susunod na lider ng bansa.

Kabilang dito ang mga manggagawa, health care workers, guro, church workers, kabataan at mga artist tulad nina Pia at Saab Magalona, actor na si Enchong Dee, vlogger at host na si Bianca Gonzales at singers/activists na sina Jim Paredes and Bituin Escalante.

Nangako rin ng tulong ang mga abogado kay Robredo, kabilang sina election lawyer Romulo Macalintal, human rights lawyer Chel Diokno, dating Supreme Court spokesperson Theodore Te at Dean Mel Sta. Maria.

Nagpasalamat naman si Robredo sa mga nagsusulong ng kanyang pagtakbo bilang pangulo sa darating na 2022 elections, sa pagsasabing pinag-iisipan niya ito nang husto.