-- Advertisements --
IMG 20191022 190819

Muling humarap sa Department of Justice (DoJ) si dating Sen. Antonio Trillanes IV para sa pagdinig sa isinampang reklamo laban sa kanya na kidnapping at serious illegal detention na inihain laban sa kanya ng isang negosyante na naka-base sa Davao.

Sa ikalawang pagdinig ng DoJ, nagsumite ng counter affidavit ang dating senador at sa ikalawang pagkakataon ay nakaharap din ni Trillanes ang complainant na si Guillermina Barrido.

Pinanumpahan nito ang kanyang kontra salaysay sa harap ni Assistant State Prosecutor Gino Paolo Santiago.

IMG 20191022 190801

Nagsumite rin si Atty. Judge Sabio, co-respondent ni Trillanes ng kontra salaysay.

Si Sabio ang abogadong naghain ng reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Mariin namang itinanggi nina Trillanes at Sabio na may kinalaman sila sa sinasabing kidnapping at serious illegal detention ni Barrido.

Binigyan naman ng piskalya ang isa pang respondent na si Father Albert Alejo nang hanggang bukas para makapagsumite ng kanyang kontra-salaysay.

Matapos ito ay submitted for resolution na ang kaso.

Sa sinumpaang salaysay ni Barrido, nakasaad na ang krimen ay nangyari umano nnoong December 9 hanggang December 21 ng taong 2016.

Trinato raw siya na parang bilango nina Fr. Alejo, Sabio at Trillanes sa kumbento ng Cannusian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.

Pero sa kanyang counter affidavit, tinukoy ni Trillanes na hindi niya kailanman nakausap si Barrido bago ang paghahain nito ng reklamo laban sa kanya.

Ang unang beses daw na nakita niya si Barrido ay noong September 5, 2019 sa DoJ compound nang siya ay manumpa sa kanyang counter affidavit para sa reklamong sedition.

Ang ikalawang beses o ang unang aktuwal na pagkikita raw nila ay noong October 11, 2019 sa unang pagdinig ng reklamong serious illegal detention na inihain ng negosyante laban sa dating senador.