Labis umano ang pagkagalak ni dating Sen. Jinggoy Estrada sa pag-abswelto ng Sandiganbayan sa kanyang dating “kakosa” sa PNP Custodial Center na si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla.

Magugunitang magkasamang nakulong sa custodial center si Estrada at Revilla kaugnay ng pork barrel scam noong 2014, hanggang sa pinahintulutang magpiyansa si Estrada noong Setyembre 2017.

Matapos ibaba ang “not guilty” verdict kay Revilla, bumalik ito sa custodial center kung saan isinailalim ito sa medical check up ng PNP Crime lab, na bahagi ng normal na proseso bago tuluyang palayain.

Sinabi ni Estrada na inaasahan nila at ipinagdasal ang pagpapawalang-sala kay Revilla.

Umaasa rin si Estrada na mababasura rin ang kinakaharap nitong kasong pandarambong, gaya ng nangyari sa dati nitong kasamahan sa Senado.