Posible pang magtagal sa Philippine National Police General Hospital si dating senator Leila De Lima.
Sa gitna ito ng kaniyang kasalukuyang pananatili sa nasabing ospital matapos ang pang ho-hostage sa kaniya ng isang bilanggong nagtangkang tumakas sa PNP Custodial Center nitong Linggo.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., nakadepende sa magiging findings at rekomendasyon ng mga doktor kung hanggang kailan mananatili si De Lima sa PNP General Hospital.
Ngunit paglilinaw niya, ito ay dahil sa acute coronary syndrome, at hypertension na matagal nang pabalik-balik na kondisyon sa kalusugan ng dating senadora at hindi dahil sa epekto ng insidente ng hostage taking sa kaniya.
Binigyang-diin din ni Azurin na hindi naging dahilan ng paglala ng sakit ni De Lima ang naging karanasan nito sa naturang pangyayari.
Sa kabilang banda naman ay nilinaw din ni Gen. Azurin na hindi lamang sa dating kwarto nina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla sa custodial center maaaring ilipat si De Lima.
Aniya, sakaling maramdaman man daw nito na hindi na tiyak pa ang kaniyang kaligtasan sa PNP Custodial Center ay maaari naman daw itong magpalipat sa facility ng Armed Forces of the Philippines.
Samantala, sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Interior Sec. Benhur Abalos na sa ngayon ay pinag-iisipan pa ng kampo ni De Lima ang kanilang alok na paglilipat ng pasilidad sa kaniya matapos ang kaniyang muling pakikipag-usap sa abogado nito.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Atty. Filibon Tacardon, ang legal consultant ni De Lima na mananatali siya sa PNPGH sa loob ng limang araw alinsunod aniya sa naging abiso sa kanila ng Philippine National Police.