Pinasalamatan ni dating Senator Antonio Trillanes IV ang Korte Suprema matapos ideklarang unconstitutional ang pagbasura ng Duterte administration sa iginawad sa kaniyang amnestiya.
Matatandaan kasi na noong 2010, ginawaran ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa bisa ng Proclamation No. 75 si Trillanes na dating Navy officer ng amnestiya sa kasong rebelyon at kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo dahil sa isyu ng korupsiyon at hindi tamang pamamahala.
Subalit ito ay pinawalang bisa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 sa pamamagitan ng Proclamation No. 572 dahil sa kabiguan umano ni Trillanes na maghain ng official amnesty application form at inamin umanong guilty ito sa kaniyang nagawang krimen. Nagbunsod naman ito sa muling pagbuhay sa mga kaso laban kay Trillanes.
Pero sa naging desisyon ng SC en banc, sinabi nito na paglabag sa constitutional rights ni Trillanes para sa due process ang revocation ng amnestiya matapos na maging pinal ito at walang prior notice.
Ipinaliwanag din ng kataas-taasang hukuman na hindi maaaring ibasura ng nakaupong presidente ang iginawad na amnestiya nang walang pagsang-ayon mula sa Kongreso.
Nanindigan din ang SC na tumalima si Trillanes sa naging findings ng Court of Appeals at korte sa Makati sa lahat ng mga kondisyon na itinakda sa ilalim ng Proclamation 75 partikular na ang paghahain ng official amnesty application form at inamin ang kaniyang sala.