Ibinunyag ni ex-presidential spokesperson Harry Roque na sinabi sa kanya ni dating pangulong Rodrigo Duterte na nakatanggap umano siya ng impormasyon na maaari siyang arestuhin anumang oras sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa drug war ng kanyang administrasyon.
Inamin ni Roque na nang sabihin umano sa kanya ni Duterte ang tungkol dito, hindi siya nakatulog
Maalala na una ng nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kinikilala ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC sa bansa dahil kumalas na tayo mula sa Rome Statute.
Saad pa ng Pangulo na ang mga imbestigador ng ICC ay maaaring pumunta at bisitahin ang bansa bilang mga ordinaryong tao lamang.
Idineklara ni Duterte ang pag-alis ng Pilipinas sa inetrnational treaty noong Marso 2018. Nagkabisa ito makalipas ang isang taon.
Gayunpaman, iginiit ng ICC ang kanilang hurisdiksyon sa bansa at inihayag na saklaw sa pagsisiyasat nito ang umano’y crime against humanity na nagawa mula Nobyembre 1, 2011, hanggang Marso 16, 2019, habang ang Pilipinas ay partido pa ng estado sa Rome Statute bunsod ng waron drugs ni Duterte na kumitil ng hindi bababa sa 6,000 buhay, ayon sa opisyal na datos ng gobyerno.
Ngunit ayon sa mga tagapagbantay ng karapatang pantao at ICC mismo at ang tinatiyang bilang ng nasawi ay nasa pagitan ng 12,000 at 30,000 mula 2016 hanggang 2019 lamang.
Una rito, pinalutang ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang spekulasyon na bubuwagin ang Task Force Davao bilang paghahanda sa umano’y napipintong pag-aresto sa Dating Pangulong Duterte.
Gayunman, itinanggi ng Armed Forces of the Philippines ang mga pahayag ni Roque tungkol sa Task Force Davao. (With reports from Bombo Everly Rico)