Kinontra ng Korte Suprema ang guilty verdict ng Sandiganbayan laban sa aktor at dating chairman ng Optical Media Board (OMB) na si Ronnie Ricketts.
Batay sa resolusyon ng kataas-taasang hukuman na isinulat ni Associate Justice Ricardo Rosario, ang apela ni Ricketts ay may sapat na argumento para baliktarin ang naunang desisyon ng anti-graft court.
Para sa mga mahistrado, nabigo raw ang prosekusyon na patunayang sangkot si Ricketts sa kasong katiwalian na iniuugnay sa kaniya.
Sa kabila nito, sinang-ayunan naman ng korte ang desisyon ng Sandiganbayan laban kay Glenn Perez na computer operator ng OMB para sa kaparehong kaso na may pagkakabilanggo ng anim hanggang walong taon.
Maliban pa ito sa perpetual disqualification sa paghawak ng anumang tanggapan sa gobyerno.
Nag-ugat ang usapin sa hindi umano tamang paghawak sa mga nakumpiskang pirated DVDs at VCDs noong 2010.