Nagpahayag ng suporta si dating National Security Adviser at retired UP professor Clarita Carlos sa panukalang economic constitutional amendments na kasalukuyang tinatalakay sa Kamara bilang Committee of the Whole House.
Binigyang-diin ni Carlos sa ika apat na pagdinig sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 kahapon na ang Constitution ay dapat na isang “ living document na dapat sumasalamin sa political and economic conditions ng ating panahon”
Paliwanag ni Carlos kung nabigo ang basic law na umangkop sa patuloy na nagbabagong kapaligiran ng isang mundong walang hangganan, dapat itong baguhin, dapat magkaroon ng “reset.”
Binigyang-diin ni Carlos na ang isang Saligang Batas ay “dapat na mapadali, hindi mahigpit.”
Hinimok ni Carlos ang mga tutol sa pagbubukas ng edukasyon sa mga dayuhang mamumuhunan na isipin ang potensyal na resulta nito, na “epektibong pag-aaral,” at hindi mga isyu sa pagmamay-ari.
Ang RBH No. 7, na inakda ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at iba pang pinuno ng House of Representatives ay naglalaman ng mga panukalang pagbabago sa Charter ng ekonomiya na nakabinbin sa Kamara.
Ang panukala ay halos eksaktong reproduction ng RBH No. 6, na ipinakilala sa Senado ni Senate President Juan Miguel Zubiri at Senators Loren Legarda at Juan Edgardo Angara.
Binanggit ng isang resource person na si Orion Perez Dumdum ng Correct (Constitutional Reform and Rectification for Economic Competitiveness and Transformation) Movement, ang mga benepisyo ng pagbubukas ng edukasyon sa mga dayuhang mamumuhunan.
Aniya mas mura para sa mga estudyanteng Pilipino na makakuha ng mataas na kalidad na dayuhang edukasyon kung ang mga dayuhang unibersidad ay papayagang magtatag ng mga kampus na ganap na pag-aari sa Pilipinas.
Ayon naman kay Eduardo Araral, isang Filipino na nagtuturo sa National University of Singapore, ay nagsalita sa resulta ng kanyang pag-aaral kung bakit ang Vietnam ay umaakit ng mas maraming dayuhang pamumuhunan kaysa sa Pilipinas.
Sinabi niya na ang Vietnam ay may 50-porsiyento na mas murang kuryente at mas mababang corporate tax.
Mayroon din itong “highly competitive workforce.”