GENERAL SANTOS CITY – Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang pamamaril patay sa dating municipal kagawad ng Malapatan, Sarangani Province.
Ito’y nangyari habang maneho ng biktima ang kaniyang sasakyan kasama nito ang asawa dakong alas-9:00 kagabi sa Purok San Jose, Brgy. Baluan, Gensan.
Kinilala ang biktima na si Montacier Celozar Singcoy, 41-anyos habang ang asawa nito ay nagtamo ng gunshot wound sa kaniyang paa kayat kaagad naman itong dinala sa ospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan , inihayag ni Baluan Barangay Captain Armando Diamante na sa inisyal na impormasyon, inabangan umano ng tatlong suspek ang biktima at nang makarating na sila sa nasabing lugar, agad silang pinaputukan ng baril gamit ang pinaniniwalaang caliber 45 pistol.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan si Montacier Singcoy sanhi ng agarang pagkasawi nito.
Sa ngayon, nagsasagawa na nang malalimang imbestigasyon ang mga otoridad sa motibo at identity ng mga suspek na umanoy nakamotorsiklo.