Ibinunyag ng Office of the Ombudsman na ilang ulit umanong nagtangka si former House of Representatives Speaker Martin Romualdez na makalabas ng bansa.
Sa naganap na pulong balitaan ng tanodbayan, isiniwalat mismo ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano ang patungkol dito.
Aniya’y base sa kanilang mapagkakatiwalaang ‘intelligence reports’, ang dating House Speaker ay hindi umano tumitigil sumubok makaalis lamang ng Pilipinas.
Ito’y sa kabila at kahit mayroon nang umiiral na Precautionary Hold Departure Order laban sa kanya na inisyu ng Sandiganbayan.
Alinsunod dito’y ayon kay Ombudsman Spokesperson Mico Clavano na nananawagan sila sa mga ahensiya ng gobyerno na seguraduhin hindi makakatakas ang mambabatas.
Si former House Speaker Martin Romualdez ay kasalukuyang nahaharap sa kaliwa’t kanan alegasyon at pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Itinuturing siya ng Office of the Ombudsman bilang umano’y ‘central figure’ sa ‘diversion’ ng pondo ng bayan na dapat sana’y nakalaan para sa mga proyektong flood control.
Kung kaya’t nakatakdang ihain na para sa preliminary investigation ng tanodbayan ang mga reklamong plunder at paglabag sa Anti-Money Laundering Act laban sa naturang mambabatas.
Kapwa niya respondent sa mga reklamo ay sina former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at iba pang mga indibidwal na hindi na pinangalanan.
Dahil dito’y mensahe ng Office of the Ombudsman sa taumbayan na makakaasa umanong kahaharapin ng mga tiwali ang patas at buong bigat ng batas.
















