Hinimok ni dating Negros Oriental governor Pryde Henry Teves ang kaniyang nakatatandang kapatid na si suspended Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na umuwi na sa Pilipinas at harapin ang mga kaso laban sa kaniya upang malinawan na ang isyu.
Ayon pa sa dating Gobernador na pareho sila ng sentimiyento ng kanilang buong pamilya sapagkat dala nila ang pangalang Teves na lubhang naapektuhan ng mga alegasyon ng diumano’y pagkakasangkot ng mambabatas sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Tiwala din si Pryde Teves sa pangako ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging ligtas ang kanyang kapatid sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Nanindigan din ang dating gobernador na wala siyang balak na umalis ng bansa, kahit na siya ay idinawit din ng Department of Justice (DOJ) sa kasong pagpatay kay Degamo kasunod ng pagsalakay noong nakaraang weekend sa isang sugar mill na sinasabing pag-aari niya.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang nakatatandang Cong. Teves ay itinuring na isa sa mga utak sa pagpatay kay Degamo.
Mas maraming baril at mga bala pa ang nasamsam sa pinakabagong raid o paghalugad sa property ni Teves.
Sa kasalukuyan, nasa labas ng bansa di Cong. Teves mula noong Pebrero at sinuspinde ng House of Representatives ng 60 araw dahil sa patuloy na pagliban sa trabaho kahit na ang kanyang travel authority ay nagpaso na noong Marso 9.