-- Advertisements --

Inimbitahan na ng Senate Blue Ribbon committee sina dating education secretary Leonor Briones at dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) head Lloyd Christopher Lao para sa kasalukuyang imbestigasyong isinasagawa ngayon ng Senado.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa umano’y overpriced at outdated na mga laptop para sa mga public school teachers batay sa 2021 annual audit report ng Commission on Audit (COA).

Nakasaad kasi sa naturang ulat na maituturing na “pricey” ang nasabing mga laptop na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng PS-DBM na umabot sa Php2.4 billion ang kabuuang halaga.

Sa isang pahayag ay sinabi ni panel chairman Sen. Francis Tolentino na dahil dito ay nakatakdang magsagawa ng inquiry ang komite sa Huwebes, August 25 patungkol sa nasabing report ng COA.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, na nakita na niya ang listahan ng mga inimbitahan ng komite para sa gagawing inquiry nito.

Ngunit iginiit niya na hindi raw niya nakita ang pangalan ni Lao sa naturang listahan.

Matatandaan na bukod dito ay kinalampag din ng COA ang DepEd sa paggastos ng Php4.5 billion ng budget nito sa Basic Education Learning Continuity Plan na nabahiran ng “faulty procurement, delay”, at kulang-kulang na supporting documents.