Inamin ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 4B na si Dennis Abagon sa Sandiganbayan na nilagdaan niya ang certificate of inspection ng umano’y substandard na P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro nang hindi muna bineberipika ang kalagayan nito.
Tumestigo si Abagon sa unang araw ng presentasyon ng ebidensya ng depensa sa kasong malversation na isinampa laban sa kanya at kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, kasama ang iba pang akusado.
Sinabi rin ni Abagon na matutuloy pa rin ang pagbabayad sa proyekto kahit wala ang kanyang lagda sa certificate of inspection.
Aniya, bilang dating Quality Assurance and Hydrology Division chief at miyembro ng Bids and Awards Committee, hindi niya tungkulin ang magsagawa ng on-site inspection sa unang billing ng proyekto.
Paliwanag niya, ang mga field engineer at project inspector sa ilalim ng project engineer ang may pananagutan sa pagmamanman ng proyekto.
Ang project engineer na si Timojen Sacar, na kabilang din sa mga akusado, ay nananatiling at large.















