-- Advertisements --

Target pa ring mahabol sa mga pananagutan si dating justice Sec. Vitaliano Aguirre, kaugnay sa kontrobersyal na pastillas scheme o pagpapapasok sa bansa ng mga undocumented foreign workers dahil sa umano’y suhol.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, naging malinaw sa kanilang imbestigasyon ang pananagutan ni Aguirre, dahil sa tinalagang tauhan ng kalihim na nagkaroon ng malaking papel sa iligal na aktibidad.

Bagama’t may mga rekomindasyon nang nakapaloob sa Committee Report on Senate Resolution No. 131, nais ng mga opisyal ng lupon na magkaroon pa ng malalimang imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, 25 isinasangkot sa ‘pastillas’ bribery scheme ang itinutulak ng senate committee.

Pinabulaanan din ng mambabatas ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon na pinagsisibak na ang mga dawit sa naturang scheme.

Katunayan aniya, nakabalik na sa trabaho ang mga ito matapos ang preventive suspension.

Ang pastillas scheme ay pagpapapasok sa mga banyaga kahit wala silang sapat na dokumento, kapalit ng P10,000 o higit pang halaga.

Madalas umano itong nangyayari kapag may mga POGO workers na kinukuha para sa mga pasugalan na pinatatakbo ng Chinese operators.