Muling nagbabalik bilang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity si dating Defense officer-in-charge Carlito Galvez Jr.
Ito ay matapos na italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Galvez sa naturang posisyon.
Huling hinawakan ni Galvez ang naturang posisyon bago naging OIC ng Department of National Defense sa ilalim ng Duterte administration.
Una rito, ibinahagi ni Galvez na sinabi sa kaniya mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinalaga siyang muli sa natuarng posisyon para tumulong sa pagsusulong ng peace process sa Bangsamoro region.
Kinilala din ni Galvez ang pambihirang progreso sa ekonomiya sa naturang rehiyon kasabay ng pagrekomenda sa muling pagbuhay ng inilarawan nitong sealane of commerce sa timog bahagi ng ating bansa.
Nagsilbi din si Galvez bilang commanding general ng Western Mindanao Command kung saan mahalaga ang naging papel nito sa pagwawakas ng limang buwang Marawi siege noong 2017.
Ginawaran ito ng Order of Lapu-lapu o Kamagi medal para sa outstanding performance nito bilang unified commander sa pagpapalaya sa Marawi city.
Maliban kay Galvez, ayon sa Presidential Communications Office, itinalaga din si Isidro Purisima bilang senior undersecretary ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity.