-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pormal ng sinampahan ng kaso ng Virac Municipal Police Station sa Catanduanes si dating Cong. Cesar Sarmiento na iniuugnay sa natuklasang shabu laboratory sa island province.

Matatandaang Nobyembre 2016 nang pasukin ng mga otoridad ang naturang shabu lab na may kapasidad umanong mag-produce ng tone-toneladang iligal na droga.

Sinabi ni PCpl. Liza Millete, tagapagsalita ng Virac PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nitong Pebrero 27 pa nang ihatid ng Virac PNP at Regional Legal Office 5 sa Department of Justice (DOJ) ang kaso sa paglabag sa Section 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Pinagbatayan nito ang mga pahayag ng state witness na si Ernesto Tabor kung saan inaakusahang drug protector ang dating mambabatas.

Isinasangkot si Sarmiento sa operasyon ng shabu lab gayundin sa manufacturing at distribution ng illegal drugs.

Ayon kay Millete, aminado umano si Tabor na may mga natatanggap na banta sa buhay kaya’t hindi maituloy-tuloy ang kaso habang nasa pwesto pa si Sarmiento.

Subalit isinulong aniya ang kaso dahil umuusad na umano ang kaso sa ilan pang sangkot subalit nasa laya pa ang sinasabing protektor.